Paul sinapawan si Westbrook, Clippers pinigil ang Thunder
OKLAHOMA CITY- Nagkaroon ng paraan ang isang superstar point guard na igiya sa panalo ang kanilang koponan nang wala ang high-scoring forward nila.
Ngunit hindi ito si Russell Westbrook kundi ito ay si Chris Paul.
Nagtala si Paul ng 33 points at 9 assists, habang nagdagdag si J.J. Redick ng 25 points para tulungan ang Los Angeles Clippers sa 120-108 paggiba sa Oklahoma City.
Tinapos ng Clippers ang seven-game home winning streak ng Thunder.
Humakot si center DeAndre Jordan ng 18 points at 17 rebounds para sa Clippers, nakikipag-agawan para sa top-four seed sa Western Conference playoffs.
Kalahating laro naman ang ibinaba ng Oklahoma City sa New Orleans Pelicans sa karera para sa final playoff spot.
Naglalaro ang Clippers at ang Thunder nang wala ang kanilang mga standout forwards na sina Blake Griffin at Kevin Durant.
Sa kanilang hindi paglalaro ay bumida si Paul laban sa kanyang All-Star counterpart na si Westbrook.
Tumapos si Westbrook, nagposte ng triple-doubles sa lima sa huling anim na laro ng Oklahoma City, na may 24 points, 9 rebounds, 7 assists at career-high 10 turnovers.
Sa Oakland, California, umabot si Klay Thompson sa 5,000-point milestone at nagsalpak ng dalawang mahalagang 3-pointers sa loob ng 69 segundo para igiya ang Warriors sa 105-98 panalo laban sa Pistons.
Ito ang pang-limang sunod na arangkada ng Golden State.
Tumapos si Thompson na may 27 points mula sa 11-for-19 shooting para sa ika-51 panalo ng Warriors.
Naglista naman si Andre Drummond ng career-high 27 rebounds - ang 17 dito ay offensive - at 22 points para sa Pistons na nalasap ang ika-walong sunod nilang kamalasan.
Sa Miami, kumamada si Dwyane Wade ng 28 points at 9 assists at dinuplika ni Chris Andersen ang kanyang career high na 18 points at nagposte ng season high na 14 rebounds para ihatid ang Heat sa 104-98 panalo laban sa Brooklyn Nets.
- Latest