Sino ang tatanghaling top pick?
MANILA, Philippines – Gugulong ngayon ang 2015 season ng Philippine SuperLiga sa pamamagitan ng PSL Annual Rookie Draft sa SM Aura sa Taguig City.
Bagama’t mamimili pa lamang ng mga baguhang manlalaro ang kaganapang suportado ni Taguig City Mayor Lani Cayetano at may ayuda pa ni Congressman Lino Cayetano at SM Management, nagkakaroon na ng pananabik ang mga panatiko ng liga sa kung sino ang kukuning top pick sa taon.
Noong nakaraang taon ay alam na ng lahat na ang 6’2 spiker na si Dindin Santiago ang papangalanan bilang top pick dahil angat-na-angat ang kanyang laro sa mga kasabayan.
Sa taong ito, hindi lamang mga locals ang nais na pumasok sa liga dahil may mga Fil-Americans din ang nais na masali sa ligang inorganisa ng SportsCore.
Ang mga ito ay sina Iris Tolenada at Alexa Micek na parehong may magandang record habang naglalaro sa US.
Parehong may taas na 5’8 si Tolenada ay isang MVP sa California Collegiate Athletic Association habang suot ang uniporme ng San Francisco State University at si Micek ay isang libero na naglaro sa Northern California State University.
Hindi naman padadaig ang mga locals dahil nagpatala na sina Angeli Araneta ng UP, Desiree Dadang at Rizza Jane Mandapat ng National University at Denise Lazaro ng Ateneo.
Ang Philips Gold (dating Mane And Tail) ang nagmamay-ari sa number one pick bago sundan ng Foton, Cignal, Shopinas, Via Mare at ang Grand Prix champion Petron.
- Latest