Atletang isasabak sa SEAG ihahayag sa Lunes
MANILA, Philippines – Magpupulong sa Lunes (Marso 16) ang POC Executive Board at maaaring malaman na kung ilan at sinu-sino ang mga atletang puwedeng makasama sa Pambansang delegasyon na maglalaro sa SEA Games sa Singapore.
Minamadali ngayon ng mga kasapi ng working committee, sa pangunguna ni Chief of Mission Julian Camacho, ang talaan na nakuha sa mga kasaling NSAs hinggil sa mga atletang nais na ipadala sa kompetisyon.
Nasa 400 hanggang 450 ang bilang ng manlalaro na isinumite sa working committee na binubuo rin nina PSC chairman Ricardo Garcia, Mauricio Martelino at Chippy Espiritu.
“Ang mangyayari ay ibibigay namin ang listahan sa POC executive board for them to review and make the final decision kung sinu-sino ang makakasama sa delegation,” wika ni Martelino.
Kasama sa isusumite sa POC ay ang mga justification ng atleta tulad ng resulta ng huling laro at kung ano ang kahihinatnan nito kumpara sa mga karibal sa South East Asia.
Nasa 33 sports mula sa 36 na paglalabanan ang sasalihan ng Pilipinas na magtatangka na higitan ang pinakamasamang 7th place na pagtatapos noong 2013 Myanmar SEAG bitbit ang 29 ginto, 34 pilak at 38 bronze medals.
Naunang sinabi ni Camacho ang pagnanais na makahugot ng 45 gintong medalya na sapat na para umakyat ang bansa sa standings sa kompetisyong gagawin mula Hunyo 5 hanggang 16. (AT)
- Latest