Rigondeaux kukuning sparmate ni Pacman
MANILA, Philippines – Isang boksingero na minsan nang itinuring ni Freddie Roach bilang isa sa pinakamahusay na counter puncher na nakita ang posibleng maihanay bilang sparmate ni Manny Pacquiao para sa ginagawang paghahanda sa mega-fight laban kay Floyd Mayweather Jr.
Ang two-time gold medal winner sa Olympics at ngayon ay walang talo sa super bantamweight division na si Guillermo Rigondeaux na bagama’t mas maliit at mas magaan ang timbang na pinaglalabanan kumpara kay Pacquiao ngunit naibibigay niya ang hanap ni Roach na istilo ni Mayweather, ang galing sa counter-punching ang napipisil ng American trainer na maging isa sa mga sparmate ni Pacman.
Lumutang ang pangalan ng kampeon sa WBA at WBO super bantamweight champion sa mga internet at puwedeng maganap ito dahil noong 2010 ay magkasabay silang nagsanay ni Pacquiao dahil hawak pa siya ni Roach.
“He’s the best counterpuncher I’ve ever seen,” minsan nang sinabi ni Roach kay Rigondeaux na hindi pa natatalo matapos ang 15 laban at kasama sa hiniya ay ang dating Filipino champion na si Nonito Donaire Jr.
Papasok na sa pangalawang linggo ang paghahanda ni Pacman at si Roach na ang mangunguna rito matapos bumalik mula Macau na kung saan ay nabigo sila ni Chinese boxer Zou Shiming kay IBF flyweight champion Amnat Ruenroeng ng Thailand.
Inaasahang sisimulan na ang sparring session ni Pacquiao matapos kunin ni Roach ang serbisyo ng dalawang matatangkad na boksingero na sina Kenneth Sims Jr. at Rashidi Ellis.
Handa naman na ang Pambansang Kamao sa sparring at iba pang mas pisikal na bahagi ng paghahanda paniniyak ni strength and conditioning coach Justin Fortune. (AT)
- Latest