Tierro nakaganti na kay Godmanna
MANILA, Philippines - Ipinakita ni Patrick John Tierro ang puso ng isang Pinoy nang bumangon siya mula sa pagkatalo sa unang dalawang sets tungo sa 5-7, 3-6, 6-4, 6-0, 6-3, tagumpay laban kay Harshana Godmanna ng Sri Lanka sa pagsisimula kagabi ng 2015 Asia-Oceania Zone Group II Davis Cup opening tie sa shell court sa Valle Verde Country Club sa Pasig City.
Ang panalo ng number one player ng Pilipinas ang nagbigay ng mahalagang 1-0 kalamangan sa best-of-five tie at naipaghiganti rin ni Tierro ang five-set pagkatalo sa katunggali sa pagtutuos noong nakaraang taon
Kasalukuyang nakikipaglaban ang number two netter ng bansa na si Fil-Am Ruben Gonzales sa top bet ng bisitang koponan ang 19-anyos na si Sharmal Dissnayake kung saan asam na ibigay sa Pinas ang 2-0 kalamangan habang sinusulat ito.
Ang kompetisyon ay magpapatuloy ngayong alas-3 ng hapon sa isang doubles match at nominado para sa Pilipinas sina Fil-Am Treat Huey at Francis Casey Alcantara laban kina Godmanna at Dissnayake.
“Nakaramdam din ng pressure gusto ko rin kasing bumawi. Last year was heart breaking at kung matalo pa ngayon mas heart breaking. Pero sabi ni coach mas malakas ako sa kanya at every point ang pagtuunan ko,” wika ni Tierro.
Nalagay sa peligro ang asam na panalo ni Tierro dahil sa 0-2 panimula.
Balikatan ang nangyari sa ikatlong set pero nakuha ni Tierro ang mahalagang break sa 10th game na kung saan nagtala ng dalawang double-fault si Godmanna tungo sa break point at makaisa siya sa tagisan.
Patuloy na nagkalat ang Sri Lankan netter para makuha ni Tierro ang 6-0 panalo sa fourth set bago binigyan ang sarili ng komportableng 3-0 kalamangan sa huling fifth set.
Napalaban sa ninth game si Tierro nang napakawalan niya ang naunang tatlong matchpoint.
- Latest