Warriors diniskaril ang Spurs
OAKLAND, California – Nagtumpok si Stephen Curry ng 25 points at 11 assists, habang nagdagdag si Klay Thompson ng 20 markers para banderahan ang Golden State Warriors sa 110-99 panalo laban sa San Antonio Spurs.
Kinontrol ni Curry ang laro kagaya ng kanyang ginagawa ngayong season at pinamunuan ang Golden State sa mga atake sa pagtatapos ng second at third quarters.
Lumamang ang Warriors ng 21 points papasok sa fourth period at ipinahinga na ni Spurs coach Gregg Popovich ang kanyang mga regulars sa huling 12 minuto.
Nagtala si Aron Baynes ng 12 points at 10 rebounds, samantalang may 12 points si Kawhi Leonard para sa San Antonio, nakatikim ng 115-119 kabiguan sa Los Angeles Clippers noong Huwebes matapos ang All-Star break.
Isinara ng Warriors ang first half mula sa 21-11 ratsada sa huling limang minuto kung saan kumonekta si Curry sa 3-point range at nagsalpak ng behind-the-back, left-handed layup para sa kanilang 62-55 abante.
Isang 3-pointer ni Curry at basket ni Andre Iguodala ang naglayo sa Golden State sa 89-68 patungo sa fourth period.
Hindi na pinaglaro ni Popovich ang kanyang Big Three na sina Tim Duncan, Tony Parker at Manu Ginobili.
Sa Dallas, umiskor si Devin Harris ng 17 points at humakot si Al-Farouq Aminu ng mga season high na 17 points at 12 rebounds para ihatid ang Mavericks sa 111-100 panalo sa Houston Rockets.
Naglista si guard Rajon Rondo ng 13 points para sa pagbangon ng Mavericks mula sa isang blowout loss sa Oklahoma City Thunder.
- Latest