Pinoy duathletes masusukat ngayon
MANILA, Philippines – Makikilatis ang husay ng mga Filipino duathletes sa pagsali sa Sante Barley Domination ngayong umaga sa Clark International Speedway sa Clark, Pampanga.
Ang 2014 Asian Beach Games bronze medalist at number one duathlete ng bansa na si Robeno Javier ang mangunguna sa laban ng mga pambato sa 4-k run, 40-k bike at 4-k swim na distansya.
Pinatingkad ang kompetisyon sa kalalakihan dahil nagpatala rin si Eneko Elosegui ng Spain.
Si Elosegui ay isang long distance triathlete at gagamitin ang kompetisyong inorganisa ng Bike King bilang paghahanda sa paglahok sa Challenge Philippines sa susunod na linggo.
Mangunguna naman sa kababaihan si national athlete Mary Pauline Fornea at makikipagtagisan siya kina Aria Crawford at Francesca Diane Gutierrez.
Pinasarap ang karera sa elite sa paglalagak ng premyo na P10,000, P6,000 at P4,000 sa mangungunang tatlong tatapos.
May aksyon din sa iba’t ibang Age Groups at medalya ang maiuuwi ng makakakuha sa unang tatlong puwesto.
Bukod sa duathlon ay may gagawing karera sa bisikleta na Whey Barley Criterium race sa umaga at Time Trial sa hapon.
May mga kategoryang paglalabanan ang mga sasali, depende sa kanilang kalidad, at medalya rin ang maiuuwi ng mga mananalo. (AT)
- Latest