NU umangat sa no. 3 tsansa sa semis pinalakas ng UP Belles
Laro Ngayon (The Arena, San Juan City)
2 p.m. Ateneo vs UE (W)
4 p.m. La Salle vs Adamson (W)
MANILA, Philippines – Pinutol ng UP Lady Maroons ang tatlong sunod na pagkatalo nang hiritan ang UST Tigresses ng 11-25, 25-20, 16-25, 25-18, 15-11, panalo sa 77th UAAP women’s volleyball sa Araw ng mga Puso kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sina Angeli Araneta at Nicole Tiamzon ay may tig-15 hits at nagsanib sa 29 attack points pero may suportang nagmula sa ibang kakampi para agawin ang ikalimang puwesto sa 5-7 baraha.
Si Marian Alisa Buitre ay may limang blocks, may apat na aces at bukod sa 24 excellent sets si Jewel Hannah Lai habang si Ma. Arielle Estranero ay may 15 digs para walisin ang head-to-head nila ng UST.
Ang UST rookie na si Ennajie Laure ay may 20 hits para pangunahan ang apat na manlalaro na tumipa ng doble pigura ngunit nawalan ng saysay ito dahil natahimik ang Tigresses sa ikalima at huling set tungo sa ikatlong sunod na kabiguan at 5-8 karta.
Gumawa ng 30 errors ang UST sa laro at nakasakit ang magkasunod na service errors nina Cherry Ann Rondina at Marivic Meneses para bigyan ang UP ng 13-10 kalamangan.
Pumasok si Hannah Rebecca Mangulabnan at nagpakawala siya ng magkasunod na aces para bigyan ang koponan ng apat na match point.
Naisuko ng UP ang isang puntos pero tiniyak ni Tiamzon na hindi na makakabangon pa ang katunggali sa matinding kill para magdiwang ang mga panatiko ng koponan.
Kontrolado ng UST ang attacks, 53-49, at blocks, 12-7, pero ang UP ang nakapagdomina sa mahahalagang tagpo ng labanan para makuha ang panalo.
Sinolo naman ng NU Lady Bulldogs ang ikatlong puwesto nang bawian ang FEU Lady Tamaraws, 25-21, 25-20, 25-23, sa ikalawang laro.
Bumangon ang NU mula sa 12-16 at 22-23 iskor sa ikatlong set nang nagpakawala ng kill si Rizza Mandapat bago ibinigay kay Jorelle Singh ang match point sa kanyang ace.
Tinapos ni Myla Pablo ang laro sa atake para maitabla ng koponan ang baraha sa 6-6.
Si Jaja Santiago ay may 14 kills, dalawang blocks at dalawang aces tungo sa 18 hits para sa Lady Bulldogs.
May 15 hits si Toni Rose Basas para sa Lady Tams na nalagay sa isang hukay ang paa sa tinamong ikawalong pagkatalo laban sa apat na panalo.
- Latest