Pinoy Cuppers handa na vs Sri Lanka
MANILA, Philippines - Bubuksan ng Philippine Davis Cup team ang kampanya sa 2015 Asia-Oceania Zone Group II tie sa pagharap sa Sri Lanka mula Marso 6 hanggang 8.
Sa Pilipinas gagawin ang opening tie at maaari itong isagawa sa Bacolod City.
Nasa Bacolod ngayon si Philta secretary-general Romeo Magat para silipin ang mga pasilidad na puwedeng pagdausan ng kompetisyon.
Ang orihinal na venue na inilagay ng Philta ay ang Valle Verde Country Club sa Pasig City pero puwede pa itong mapalitan dahil may sapat na oras pa ang mga tennis officials para makapili ng lugar.
Ang Plantation Bay sa Cebu ang dating pinagdarausan ng Davis Cup kung walang makuhang venue sa Manila pero minabuti ng Philta na maghanap ng ibang lugar para pagdausan nito.
“Gusto namin na mai-promote pa ang tennis at magagawa namin ito kung maidaraos ang laro tulad ng Davis Cup sa ibang lugar,” wika ni Magat.
Inaasahang walang magiging problema kung suporta mula sa pamahalaang lokal ng Bacolod ang pag-uusapan dahil ang Mayor dito ay si Monico Puentevella na dating POC chairman at kilalang mahilig sa tennis bukod sa football at basketball.
Ito na ang ika-siyam na pagtutuos ng Pilipinas at Sri Lanka at ang naunang walong pagkikita ay pinanalunan ng manlalaro ng bansa.
Ang nominasyon ng players sa magkabilang kampo ay dapat gawin sampung araw bago ang aktuwal na tagisan.
Noong nakaraang taon naganap ang huling pagtutuos ng dalawang bansa na idinaos sa Sri Lanka at ang bumuo sa Philippine team ay ang mga Fil-Ams na sina Ruben Gonzales at Treat Huey bukod kay Patrick John Tierro at Johnny Arcilla at namayani sila sa 3-1 iskor.
Ang magwawagi sa tie na ito ay aabante sa semifinals mula Hulyo 17 hanggang 19 at makakaharap ang mananalo sa pagitan ng Chinese Taipei at Lebanon.
Ang Iran at Indonesia ay magkatapat habang ang Kuwait at Pakistan ang magkalaban sa isa pang pairings.
Ang bansang lalabas na kampeon ay aabante sa Group I sa 2016.
- Latest