James, Cavs pinasiklaban ng Bulls
CHICAGO-- Sumalaksak si Derrick Rose sa rim at narinig ang pamilyar na mga sigaw na “MVP! MVP!” mula sa mga manonood.
Nasa kanyang pamatay na porma ang star point guard at maging ang Bulls.
Kumamada si Rose ng 30 points, at ipinalasap ng Chicago sa Cleveland Cavaliers ang ikalawang kabiguan nito sa huling 16 laro matapos kunin ang 113-98 panalo.
Nagdagdag si Pau Gasol ng 18 points at 10 rebounds, habang tumipa si Tony Snell ng 22 points para tulungan ang Bulls na ibasura ang 31-point performance ni LeBron James para sa Cavaliers.
Ito ang ikaapat na sunod na panalo ng Bulls matapos ipanalo ang 10 sa kanilang huling 15 laban bago ang All-Star break para manguna sa Central Division.
Ang bumandera sa Chicago ay ang kanilang MVP point guard, isang player na hindi halos nakalaro sa nakaraang dalawang seasons bunga ng injury sa mga tuhod.
Dinomina ng Bulls ang halos kabuuan ng laro kontra sa pinakamainit na koponan sa NBA at tuluyan nang lumayo sa fourth quarter.
Parehong hindi nakalaro ang mga key players ng Bulls at ng Cavaliers.
Wala si Jimmy Butler (strained right shoulder) para sa Chicago at si Kevin Love (gasgas sa kanang mata) sa panig ng Cleveland.
Itinala ni Gasol ang kanyang ika-14 sunod na double-double, ang pinakamahaba para sa isang Bulls matapos ang 15-game run ni Michael Jordan noong 1988-89.
Nagdagdag si Joakim Noah ng 10 points, 15 rebounds at 7 assists, habang nagsumite si Taj Gibson ng 13 markers.
- Latest