Lady Falcons tuloy sa pananalasa; Eagles winalis ang first round
MANILA, Philippines – Nagpatuloy ang winning streak ng Adamson Lady Falcons sa UAAP softball habang winalis ng nagdedepensang kampeon Ateneo Eagles ang first round sa baseball na parehong ginagawa sa Rizal Memorial Diamond nitong nakaraang linggo.
May 4-0 baraha ang four-time defending champion Lady Falcons nang kunin ang 13-3 panalo sa NU Lady Bulldogs noong Sabado.
Kinuha ng Lady Falcons ang lahat ng runs sa ikaanim na innings para maiakyat din sa 52-straight ang kanilang pagpapanalo.
Pinabagsak ng Ateneo ang karibal na La Salle Archers, 4-1, sa rematch ng dalawang koponan na naglaban sa titulo noong nakaraang taon.
May two-run homerun si Matt Laure para katampukan ang ikalimang sunod na tagumpay ng Eagles habang ang La Salle ay bumaba sa 3-2 karta.
Samantala, kuminang din ang UP sa men’s football at streetdance competition.
Pinagtibay ng Maroons ang hawak na unang puwesto sa football competition bitbit ang 24 puntos sa 4-1 panalo kontra UST Tigers na pinaglabanan sa Moro Lorenzo Football Field sa Ateneo campus.
Ang leading scorer ng liga na si Jinggoy Valmayor ay gumawa ng dalawang goals para iangat na sa 13 ang naiskor ngayong season.
Binigyan ng kakaibang kahulugan ng Maroons ang ‘luksong tinik’ sa streetdance competition noong Linggo sa MOA Arena sa Pasay City para makuha ang kampeonato bitbit ang nangungunang 178 puntos.
Ang Ateneo ang pumangalawa sa 167.3 puntos habang ang La Salle ang pumangatlo sa 167 puntos.
- Latest