Aces naisahan ang Road Warriors
Laro Ngayon (Smart Araneta Coliseum)
3 p.m. Barako Bull vs Kia
5:15 p.m. San Miguel vs Ginebra
MANILA, Philippines – Wala nang nagawa si NBA veteran Al Thornton kundi ang tingnan ang mga referee na hindi tumawag ng foul matapos siyang mapatid sa kanyang salaksak sa pagtunog ng final buzzer.
Dahil dito ay naitakas ng Alaska ang 96-95 panalo laban sa NLEX ni Thornton sa 2015 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa San Juan Arena.
Tumapos si import CJ Covington na may 24 points para sa 1-1 baraha ng Aces kasunod ang 16 ni Vic Manuel, 14 ni Cyrus Baguio at 12 ni RJ Jazul.
Nalasap naman ng Road Warriors ang kanilang pangalawang sunod na kabiguan.
Nailapit ng NLEX ang laro sa 95-96 sa huling 46.1 segundo sa fourth quarter mula sa basket ni Asi Taulava kasunod ang mintis na three-point shot ni Dondon Hontiveros para sa Alaska.
Nasambot ni Thornton ang rebound at tumawag ng timeout sa natitirang apat na segundo.
Nakuha ng 6-foot-9 na si Thornton ang inbound at sumalaksak sa kabila ng pagdumog sa kanya nina Calvin Abueva at Ping Exciminiano na nagresulta sa kanyang pagkakapatid.
Ngunit walang foul na nakuha si Thornton kasabay ng pagwawala sa loob ng hardcourt ni NLEX head coach Boyet Fernandez.
Nauna nang nagposte ang Alaska ng 13-point lead, 69-56, sa 4:24 minuto ng third period mula sa 3-point shot ni Jazul hanggang maputol ito sa 92-93 galing sa tres ni Thornton sa huling 1:31 minuto ng final canto.
Tumapos si Thornton na may 39 points para sa Road Warriors.
Alaska 96 – Covington 24, Manuel 16, Baguio 14, Jazul 12, Banchero 7, Abueva 6, Menk 6, Dela Cruz 5, Exciminiano 2, Hontiveros 2, Espinas 2, Eman 0, Dela Rosa 0, Vanlandingham 0.
NLEX 95 – Thornton 39, Canaleta 16, Ramos 9, Villanueva J. 8, Lingganay 6, Borboran 6, Taulava 5, Cardona 4, Hermida 2, Camson 0, Arboleda W. 0, Apinan 0, Arboleda H. 0, Baloria 0, Soyud 0.
Quarterscores: 22-16; 46-40; 75-73; 96-95.
- Latest