Nieto hinirang na MVP sa Jr. UAAP cagefest
MANILA, Philippines – Napanatili ni Mike Nieto ang pangunguna sa overall statistical points matapos ang second round elimination sa 77th UAAP juniors basketball para siyang gawaran ng Most Valuable Player award.
Ang sentro ng Ateneo Eaglets na hindi natalo matapos ang 14 laro sa double round elimination ay nagtala ng kabuuang 75 Total Statistical Points (TSP) para daigin ang pambatong center ng National University Bullpups na si Mark Dyke na may 65.8572 TSP.
Nakasalo si Nieto sa unang puwesto sa scoring kay Aljun Melecio ng La Salle Zobel sa 16.4 puntos bukod sa pag-angkin sa ikalawang puwesto sa rebounding sa 11.9 rebounds.
Si Dyke ang lumabas na hari sa rebounding sa kanyang 14.5 rebounds bukod sa pang-anim sa iskoring sa 13.4 puntos.
Ang kakambal ni Mike na si Matt Nieto ang nasa ikatlong puwesto sa MVP race bitbit ang 64 TSP habang si Melecio at Frederick Tungcab ng Adamson Baby Falcons ang nasa ikaapat at limang puwesto sa 63.4286 at 56.7857.
Dahil sa sweep sa elimination round, pumasok na ang Ateneo sa Finals at magkakaroon ng thrice-to-beat advantage sa makakatunggali na lalabas sa step-ladder semis.
Bago ito ay magtutuos muna ang NU at Adamson sa playoff para sa number two seeding. (AT)
- Latest