Garcia dismayado sa NSA na nais sumabak sa SEAG
MANILA, Philippines - Nadidismaya si PSC chairman Ricardo Garcia sa ikinikilos ng mga National Sports Associations (NSAs) na balak sumali sa Singapore SEA Games sa Hunyo.
Dumalo si Garcia sa pagpupulong sa working committee na pinangungunahan ni SEAG Chief of Mission at POC treasurer Julian Camacho at mga NSAs at pito lamang ang nagbigay ng kanilang short list para sa nais na isama sa bubuuing delegasyon.
Sasali ang Pilipinas sa 33 sa 36 sports na paglalabanan at ang nalalabing NSAs ay nagpasa ng long list na walang justification ng mga atleta.
“Worried ako sa tinatakbo ng preparation natin. Masyadong mabagal at ang mga NSAs, di nila binibigyan ng pagpapahalaga ang SEA Games,” wika ni Garcia.
Di tulad sa mga nakaraang edisyon sa tuwing kada-dalawang taon na kompetisyon na sa Nobyembre o Disyembre ito ginagawa, ang Singapore SEAG ay gagawin mula Hunyo 5 hanggang 16.
Walang criteria ang inilabas ng working committee pero dapat ay lagyan ng justification ng mga NSAs ang kanilang atleta para makita ang magiging kalalabasan kung isasama sa Singapore.
“Ang mga nakalagay ay pangalan ng mga atleta pero walang mga records o performance sa mga sinalihan. Hindi natin puwedeng ipadala ang mga atletang walang record,” ani pa ni Garcia.
Dahil dito, ibinalik ng working committee sa mga NSAs ang kanilang listahan para ayusin ito at ibalik para pag-aralan ang nais na line-up.
Naunang sinabi ni Camacho ang paniniwala na kaya ng Pilipinas na tumapos sa ikalimang puwesto sa overall taglay ang hindi bababa sa 45 ginto. (ATan)
- Latest