Football, volleyball may tsansa pa sa SEAG
MANILA, Philippines – Wala pang tinatanggal sa mga team sports na nais na maglaro sa Singapore SEA Games.
Ito ang nilinaw ni SEAG Chief of Mission Julian Camacho upang magkaroon pa ng pag-asa ang posibilidad na makasali ang larong football at volleyball sa bubuuing delegasyon.
Ayon kay Camacho, hindi na kailangang magsumite ng pangalan ng atleta ang mga team sports dahil isang koponan lamang naman ang ipadadala at ang bilang ng maglalaro ay nauna nang ipinadala ng POC sa Singapore para sa entry by numbers.
Ang football ay naunang pinangambahan na hindi makakasali tulad ng nangyari noong 2013 dahil ang format ng kompetisyon sa SEAG ay U-23.
“Mayroon mga naglaro sa Azkals na under-23 at maganda ang kanilang ipinakita,” wika ni Camacho.
Sa kabilang banda, ang volleyball team ay nalalagay pa sa kontrobersya dahil hindi kinikilala ng POC ang mga liderato sa Philippine Volleyball Federation (PVF).
“We will leave it up to the POC Executive Board to decide kung ano ang gagawin sa volleyball. Puwedeng i-recognize ang PVF o maglaro ang volleyball team under the POC. Sa January 21 ang meeting ng Board,” paliwanag pa ni Camacho.
Nakatakdang magsagawa ng eleksyon ang PVF sa Enero 25 o apat na araw matapos ang POC meeting.
- Latest