‘Di lang speed at skills movement quality kailangan ng atleta para manalo - Rowles
MANILA, Philippines - Bukod sa skills, ang magkaroon ng tamang galaw ang kailangang taglay ng isang atleta para manalo sa mga nilalahukang malalaking kompetisyon.
Inihayag ni Terence Rowles, isang Sports Coaching Consultant na nasa bansa para pangunahan ang ginaganap na Sports Science Seminars Series 6-7 sa Philsports Arena sa Pasig City, na tatlong bagay ang dapat na taglay ng isang atleta at ito ay ang skills, movement gaya ng speed at movement quality.
“Athletes need skills and speed but the most important thing is movement quality. Just like in boxing, if they don’t have the right movement quality like stability, they are bound to get hit,” wika ni Rowles sa pulong pambalitaan kahapon.
Kasama ni Rowles sa tatlong araw na seminar na nagsimula kahapon at magtatapos sa Miyerkules si Dr. Scott Lynn at ito ay naisagawa dahil proyekto ito ng PSC sa pangunguna ni chairman Ricardo Garcia.
Bago ang seminar ay naunang nagsagawa ang dalawang foreign speakers ng fitness test sa halos 200 atleta mula sa athletics, billiards, boxing, cycling, canoe-kayak, dragon boat, judo, rowing, taekwondo, wrestling at wushu na kasali sa gaganaping Singapore SEA Games.
Hindi inihayag nina Rowles at Lynn ang lumabas sa pagsasanay pero sinabi na gumawa sila ng mga programa sa bawat isang pangkat na sana ay gagawin ng mga national coaches hanggang sapitin ang SEA Games.
Sa Hunyo 5 hanggang 16 ang SEAG at naniniwala rin si Garcia na makakatulong ang itinituro nina Rowles at Lynn para gumanda ang kondisyon ng mga Pambansang atleta.
“Naipakita ni Manny Pacquiao na kahit three months lang ay puwedeng makuha ang magandang kondisyon. Ang mga atleta natin, year-in, year out, ay dapat kondisyon dahil hindi lamang ang Singapore SEAG ang kanilang pinaghahandaan. Kaya malaki ang maitutulong nitong seminar at sana ay makita ng mga national coaches na makakatulong ito sa kanila at sa kanilang mga atleta,” pahayag ni Garcia.
Pinag-usapan kahapon at ngayon ang tungkol sa advanced functional movement ng bawat parte ng katawan habang sa Miyerkules ay ang sports science patungol sa pagsasanay ng mga lady athletes.
- Latest