P1.83M retirement benefits ng mga atleta ibibigay na ng PSC
MANILA, Philippines - Magpapalabas ang Philippine Sports Commission (PSC) ng pondong P1.83 milyon bilang “retirement benefits” ng first batch ng mga dating atletang humiling nito sa ilalim ng Republic Act 9064 o the Incentives Act.
Pinamumunuan ni retired cuemaster Antonio Gabica, nagwagi ng gold medal sa 9-ball singles noong 2006 Asian Games, ang grupo ng 17 dating atleta na maaari nang makuha ang kanilang mga tseke.
Sa ilalim ng RA 9064, ang isang national athlete na nagwagi sa Southeast Asian Games, Asian games, Olympics at sa quadrennial world championships ay maaaring makakuha ng lump sum na katumbas ng 25 porsiyento sa kanyang kabuuang cash incentives mula sa pagsisimula ng kanyang career hanggang sa pagreretiro niya.
Tatanggap si Gabica ng P427,500 bilang retirement pay.
Nauna na siyang nakatanggap ng P1.7 milyon para sa kanyang mga tagumpay.
Sina ex-boxers Joan Tipon at Violita Payla ay tatanggap ng P287,500 at P252,500, ayon sa pagkakasunod.
Si Tipon ang naghari sa bantamweight division sa SEA Games sa Bacolod at sa sumunod na Asiad, habang nagdomina si Payla sa flyweight class sa Doha Asian Games.
Makakakuha rin ng kanilang mga retirement pays sina Olympian boxer Harry Tañamor (P187,500), Busan Asiad 9-ball doubles champ Antonio Lining (P150,000), 2005 SEAG gymnastic gold winner Roel Ramirez (106,834) at nine-time SEAG judo champion John Baylon (P100,000).
Ang iba pang retired pugs na kasama sa first batch ay sina Mitchel Martinez (P40,000), Larry Semillano (15,000), Juanito Magliquian, Jr. (P37,500), Joegin Ladon (P27,500), Doha Asiad bronze medalists Genebert Basadre (P50,000) at Godfrey Castro (P37,500) at Bill Vicera (P27,500).
Ang iba pa ay sina Olympian marathoner Roy Vence (P37,500), Bangkok Asiad bronze medalist Manel Ycasas (P25,000) at wushu artist Mary Jane Estimar (P25,000).
Ang retirement lump sum ay kinukuha ng PSC sa Philippine Amusements and Gaming Corp. (Olmin Leyba)
- Latest