Generals, Blazers lumapit sa finals ng NCAA men’s volleyball tourney
MANILA, Philippines - Hindi nawalan ng loob ang Generals sa kabila ng kabiguan sa first set.
Bumangon ang Emilio Aguinaldo College mula sa first set loss para talunin ang Arellano University, 24-26, 25-19, 25-21, 25-17, at palakasin ang kanilang pag-asa sa ikalawang championship appearance sa 90th NCAA men’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Nagpasabog si Howard Mojica ng match-high na 24 hits, ang 21 ay mula sa kills, para sa unang panalo ng Generals sa semifinal round at makalapit sa una nilang best-of-three finals stint.
Nakapasok ang EAC sa finals noong nakaraang taon ngunit pinayukod sila ng Perpetual Help para sa pang-apat na sunod na titulo ng Altas.
Ngayong season ay hindi pa natatalo ang Generals ng isang laro sa kanilang 10 asignatura, kasama dito ang nine-game sweep sa elimination round.
Pinalakas din ng College of St. Benilde ang kanilang tsansa sa finals nang gulatin ang Perpetual Help, pinupuntirya ang kanilang pang-limang sunod na kampeonato, mula sa 25-12, 29-27, 19-25, 25-20 tagumpay.
Humataw si Johnvic de Guzman ng 33 hits para sa pagpapatumba ng Blazers sa Altas.
- Latest