Cojuangco hangad ang reporma sa 2015 Singapore SEA Games
MANILA, Philippines - Balak ng Philippine Olympic Committee na magtakda ng pagpupulong sa hanay ng mga miyembro ng SEA Games Federation at piliting magkaroon ng magandang pagtalakay sa officiating.
“We’re planning to invite them here so we can take up some of these matters,” wika ni POC president Jose “Peping” Cojuangco.
Ang naturang pulong ay maaaring gawin bago ang 28th SEA Games sa Singapore na nakatakda sa June 5-16.
Nauna nang nagplano si Cojuangco ng pagpupulong matapos ang 2013 Myanmar SEA Games nang kuwestiyunin niya ang paraan ng pagpapatakbo sa event.
Isa rito ay ang calendar of events kung saan ilang Olympic sports kagaya ng gymnastics, tennis at beach volleyball ay inilaglag para isama ang indigenous sports na hindi naman nilalaro ng ibang miyembrong bansa.
Higit sa 40 gold medals ay inilatag para sa vovinam, kempo at chinlone na ipinasok ng Myanmar.
Hindi rin nakaligtas kay Cojuangco ang officiating sa mga subjective sports kagaya ng boxing, taekwondo, karate, judo at wushu.
“Garapal na ang mga decisions and it’s unfair and it’s not a good example to our young athletes,” sabi ni Cojuangco.
“All we want is to level the playing field.” dagdag pa nito.
Sinabi pa ng POC chief na dapat magkaroon ang SEA Games Federation ng listahan ng mga mandatory sports, partikular ang mga inilalaro sa Olympics.
Gusto rin ipanukala ni Cojuanco sa mga host countries na dagdagan ang mga medalya sa traditional at indigenous sports ngunit ito ay hindi ibibilang sa medal standings.
“We can create a separate medal standings for this if the goal is just try to promote traditional and indigenous sports among the other countries,” sabi ni Cojuangco.
“We will push through with this meeting and hopefully something good will come out,” dagdag pa ni Peping. (Abac Cordero)
- Latest