Rockets binitbit ni Harden sa panalo
HOUSTON -- Nang lumamya ang shooting percentage ni James Harden sa kaagahan ng season, sinabi ni Houston coach Kevin McHale na aalamin niya ang dahilan.
Ang resulta nito ay ang pagbangon ni Harden.
Kumamada si Harden ng 36 points at bumawi ang Rockets mula sa magkasunod na kabiguan para kunin ang 102-83 panalo laban sa Charlotte Hornets.
Nagsalpak din si Harden ng walong 3-pointers at nagtala ng 6 assists at 7 rebounds.
Nag-init sa third quarter ang Rockets kung saan nagbida si Harden para sa kanilang 99-79 bentahe laban sa Hornets sa huling 2:30 minuto kasunod ang pagpapahinga sa kanilang mga starters sa bench.
Nalasap naman ng Hornets ang kanilang ikaapat na sunod na kamalasan.
Naglaro ang Hornets nang wala si leading scorer Al Jefferson na may left groin strain.
Pinamunuan nina Michael Kidd-Gilchrist at Gerald Henderson ang Charlotte sa kanilang tig-16 points.
Sa Los Angeles, nagsalpak si J.J. Redick ng 20 points sa loob ng 32 minuto para tulungan ang Clippers sa 99-78 paggupo sa New York Knicks.
Ito ang pang-siyam na sunod na kamalasan ng Knicks.
Ang jumper ni Redick ang nagsindi sa 13-0 ratsada ng Clippers sa pagbubukas ng third quarter patungo sa kanilang 23-point lead sa Knicks.
Mula rito ay hindi na nakabangon ang New York.
Nagdagdag si Blake Griffin ng 13 points, 7 rebounds at pinantayan ang kanyang career high na 11 assists.
Sa Oklahoma City, nagbida si Kevin Durant sa 137-134 overtime win ng Thunder laban sa Phoenix Suns matapos kumamada ng season-high 44 points.
Nanggaling sa isang sprained right ankle injury, tumipa si Durant ng 13-of-23 fieldgoal shooting, kasama rito ang 6-of-11 clip sa 3-pointers at perpektong 12-of-12 sa free throw line.
Kumolekta rin siya ng 10 rebounds at 7 assists para banderahan ang Thunder.
Sa iba pang laro, pinayuko ng Boston Celtics ang Sacramento Kings, 106-84; hiniya ng Indiana Pacers ang Miami Heat, 106-95; giniba ng Milwaukee Bucks ang Cleveland Cavaliers, 96-80 at namayani ang San Antonio Spurs sa New Orleans Pelican, 95-93 sa overtime.
- Latest