Dato nilangoy ang ika-3 ginto
MANILA, Philippines – Lumangoy sa kanyang ikatlong ginto si Hannah Dato para tulungang bigyan ang Team UAAP-Philippines ng kanilang ika-10 ginto sa 17th ASEAN UniversityGames na magtatapos ngayon sa Palembang, Indonesia.
Ang tanker mula Ateneo at siyang hinirang bilang Season 77 swimming MVP ay nanalo sa women’s 200-meter individual medley event para lumabas din bilang pinakamahusay na atleta ng bansa.
Naorasan si Dato ng 2:21.13 para talunin si Cai Linn ng Malaysia (2:22.21) at Ressa Dewi ng Indonesia (2:22.73).
Ang naunang napanalunang events ni Dato ay sa 50-meter at 100-meter butterfly events.
May dalawang bronze medals pa ang Team UAAP-Philippines sa pool competition na nagmula kay Jessie Khing Lacuna ng Ateneo sa men’s 200-meter individual medley at sa women’s 4x100m medley relay team na binuo nina Datu at mga kakampi sa Ateneo na sina Ariana Herranz, Roanne Yu at UP swimmer Denjylie Cordero.
Lalabas na ang swimming delegation ay may napanalunang apat na ginto upang tapatan ang naiambag ng taekwondo habang ang athletics ay may dalawang ginto.
May 10 pilak at 18 bronze pa ang Team UAAP-Philippines para malagay sa ikalimang puwesto na pinakamaganda sa huling anim na edisyon.
Nangunguna pa rin ang host Indonesia sa 57-68-43 bago sinundan ng Thailand (50-31-20), Malaysia (32-35-46) at Vietnam (24-14-2).
- Latest