Lady Falcons ginulat ang tigresses Lady Tams nakabawi na sa Lady Bulldogs
MANILA, Philippines – Magandang pagsalubong sa Kapaskuhan ang ginawa ng FEU Lady Tamaraws nang wakasan nila ang apat na sunod na pagkatalo sa National University Lady Bulldogs sa 25-23, 26-24, 25-10, demolisyon sa 77th UAAP women’s volleyball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Gumawa ng career-high na 15 hits, tampok ang 14 kills, ang bagitong si Toni Rose Basas para pakinangin ng Lady Tamaraws ang panalo na tumapos din sa two-game losing streak at maitabla ang karta sa 3-3.
Natapos ang dalawang dikit na panalo ng NU para sa 2-3 karta at ininda nila ang kabiguang tapusin ang malakas na panimula sa unang dalawang sets.
Lamang ang Lady Bulldogs sa 21-23 sa unang set pero hindi na nakaiskor at ang kill ni Bernadeth Pons ang nagbigay ng 1-0 kalamangan sa FEU.
Umarangkada uli ang NU sa 18-11 pero ang FEU ang nagkaroon ng malakas na pagtatapos sa pagtutulungan nina Basas, Remy Palma at Charlemagne Simborio.
Nawala na ang kumpiyansa ng NU sa ikatlong set para madaling makapagdomina ang katunggali.
Si Pons ay may 15 hits din at 10 dito ay ginawa sa unang set habang sina Simborio at Palma ay nagsanib sa 16 puntos.
May 15 kills,tatlong blocks at isang ace si Jaja Santiago pero solo siyang nagtrabaho para sa natalong Lady Bulldogs.
Nadagit ng Adamson Lady Falcons ang ikatlong sunod na panalo matapos ang limang laro sa 25-17, 15-25, 25-20, 25-20, panalo sa UST Tigresses at solohin ang ikatlong puwesto.
Sina Mylene Paat at Amanda Villanueva ay may tig-15 hits upang ipalasap sa Tigresses ang kanilang ikaapat na sunod na talo.
May 10 kills si Villanueva habang may anim na blocks at dalawang aces si Paat para sa Adamson.
Ito ang huling laro sa liga at magbabalik ang aksyon sa Enero 4.
- Latest