M’weather kakasa na kay Pacquiao
MANILA, Philippines – Matapos ang limang taon ay pumayag na si Floyd Mayweather, Jr. na labanan si Manny Pacquiao.
Sa isang panayam sa kanya sa Showtime network para sa isang fight card na kanyang pino-promote sa San Antonio, Texas, sinabi ni Mayweather na handa na siyang sagupain si Pacquiao sa May 2 ng susunod na taon.
Ayon kay Mayweather, hindi siya ang tunay na dahilan kung bakit inabot ng limang taon ang ipinaghintay ng mga boxing fans para sa kanilang super fight ni Pacquiao.
Ang itinuro ng American world five-division titlist ay si Bob Arum ng Top Rank Promotions.
“Floyd Mayweather is not ducking or dodging any opponent,” wika ni Mayweather. “Bob Arum is stopping the fight. We have been trying to make this fight happen for many years behind the scene.”
Tahasang hinamon ng 35-anyos na si Pacquiao (57-5-2, 38 KOs) ang 37-anyos na si Mayweather (47-0, 26 KOs) matapos pabagsakin ng anim na beses si American challenger Chris Algieri noong Nobyembre 23.
Sinabi ng Sarangani Congressman na ito na ang panahon para ibigay sa mga fans ang kanilang hinihiling.
Nauna nang sinabi ni Arum na nakikipag-usap siya kay CBS Corp. chairman Les Moonves para mapapayag si Mayweather na labanan si Pacquiao.
Ang CBS ang parent network ng Showtime kung saan may natitira pang dalawang laban si Mayweather sa Mayo at sa Setyembre ng susunod na taon.
At kagaya ng dapat asahan, muling inasar ni Mayweather si Pacquiao.
“I know that he’s not on my level,” wika ni Mayweather kay Pacquiao. “The fan would love to see the fight. And, of course, I want to go out with a bang.”
Kumpiyansa si Mayweather na tatalunin niya si Pacquiao at mapapanatiling malinis ang kanyang boxing record hanggang sa araw ng kanyang pagreretiro.
Kung tuluyan nang maitatakda ang naturang Pacquiao-Mayweather mega showdown sa Mayo 2, 2015 ito ay inaasahang kikita ng $250 milyon.
Higit naman sa $100 milyon ang nauna nang hininging premyo ni Mayweather.
“Lets make this fight for the people and for the fans. Mayweather vs Manny Pacquiao, May 2nd,” wika ni Mayweather.
- Latest