Hapee kakalas para masolo ang itaas
Laro Ngayon
(Ynares Sports
Arena, Pasig City)
10 a.m. MP Hotel
vs Tanduay Light
12 nn. Hapee
vs Wangs Basketball
2 p.m. MJM Builders
vs Café France
MANILA, Philippines - Makikita ang buti ng mahabang pahinga sa Hapee sa pagbabalik-laro ng PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Katunggali ng Fresh Fighters ang Wangs Basketball sa ikalawang laro dakong alas-12 ng tanghali at ikaanim na sunod na panalo ang maililista ng koponang hawak ni Ronnie Magsanoc para masolo ang liderato sa liga.
Nasa 13-day break ang Hapee matapos kanselahin ang laro laban sa Café France Bakers noong Lunes dahil sa bagyong Hagupit at ginamit ng koponan ang bagay na ito para mabuo ang samahan ng kanilang manlalaro.
“Nakatulong ang break para mag-develop ang team chemistry dahil hindi talaga kami nakakapag-ensayo bilang isang team dahil may pinaglalaruan pang liga ang mga collegiate players namin,” wika ni Magsanoc.
Ang pinaigting na samahan ay maipantatapat ng Hapee sa determinadong Couriers na kailangang manalo para gumanda pa ang tsansang maalpasan ang single round elimination.
May 2-3 baraha ang Wangs at galing sila sa 73-77 overtime pagkatalo sa Tanduay Light Rhum Masters sa huling asignatura.
Ang Bakers ay mapapalaban sa MJM Builders sa huling laro dakong alas-2 ng hapon at nais na paigtingin ang pumapang-apat na 4-1 karta habang ang Rhum Masters ay makikipagsukatan sa MP Hotel Warriors hanap ang ikalawang sunod na panalo para maitaas ang kasalukuyang 2-4 baraha. (AT)
- Latest