Malinis na kartada itataya ng Lady Eagles, Lady Archers
Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
8 a.m. Ateneo vs UP (M)
10 a.m. UST vs NU (M)
2 p.m. UP vs La Salle (W)
4 p.m. UST vs Ateneo (W)
MANILA, Philippines - Sasandalan ng UP Lady Maroons ang panalong nakuha laban sa ipinalalagay na Final Four contender sa huling laro sa pagtapat sa La Salle Lady Archers sa 77th UAAP women’s volleyball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ang laro ay magsisimula sa ganap na alas-2 ng hapon at balak ng Lady Archers ang manatiling malinis sa pagkubra ng ikaapat na sunod na panalo.
Magku-krus ng landas ang nagdedepensang kampeon Ateneo Lady Eagles at UST Tigresses dakong alas-4 ng hapon at ikaapat na sunod na tagumpay din ang madadagit ng una kung mapaamo ang katunggali.
Galing ang Lady Maroons mula sa 26-24, 23-25, 25-20, 25-17, panalo laban sa Tigresses noong Miyerkules para wakasan ang dalawang dikit na kabiguan.
Sina Nicole Anne Tiamzon at Angeli Pauline Araneta ay may 19 at 14 puntos para pangunahan ang UP na bago ang larong ito ay binigyan ng matinding hamon ang NU Lady Bulldogs bago natalo sa limang mahigpitang sets.
Dapat na hindi mawala ang tibay ng UP lalo pa’t nakikitaan din ng solidong paglalaro ang La Salle na balak makatikim uli ng titulo matapos maunsiyami noong nakaraang taon ng Ateneo.
Si Ara Galang ang mamumuno sa La Salle para manatiling nasa unahan sa walong koponang liga.
Ang mahusay na si Alyssa Valdez ang magdadala ng laro para sa Ateneo para ipatikim sa UST ang kanilang ikatlong sunod na kabiguan. (ATan)
- Latest