Bergsma ‘di nagkamali sa desisyong lumaro sa Lady Blaze spikers pagtutulungan susi ng Petron sa titulo
MANILA, Philippines - Sulit ang ginawang desisyon ni Alaina Bergsma na maglaro sa Petron Lady Blaze Spikers sa 2014 Philippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics.
Hinirang na kampeon ang Lady Blaze Spikers nang talunin ang Generika Life Savers, 25-21, 21-25, 25-15, 25-9, noong Linggo sa pagtatapos ng ligang inorganisa ng Sports Core at may suporta ng Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Si Bergsma na tumapos taglay ang 21 kills tungo sa 24 puntos, ang siyang kinilala bilang Most Valuable Player ng kompetisyon.
Muntik nang hindi maglaro si Bergsma sa Petron dahil ilang buwan bago tumulak pa-Manila ay nagpakasal sila ni Kevin Coble, isang 6’8 basketball player na pinangunahan ang scoring at rebounding sa kanyang unang tatlong taon sa Northwestern University (2006-2009).
“It wasn’t an easy decision bit I had to do it,” wika ni Bergsma na kinilala rin bilang Miss Photogenic award sa 2012 Miss USA beauty pageant.
Hindi rin siya nagkaroon ng anumang pagdududa sa kakayahan ng koponan na manalo dahil lahat ng kanyang mga kakampi ay determinado na maabot ang kanilang layunin.
“When we started the season, our goal was to win the championship. It’s every team’s goal but I really felt that our team had the advantage going into this game,” dagdag ng 6’3 spiker.
Sa panig ni coach George Pascua, ang magandang pagtutulungan ng lahat ang susi para makatikim ng titulo ang koponan.
Si Bergsma ang kanyang pandiin pero hindi maisasantabi ang husay nina Erica Adachi, Dindin Santiago, Carmina Aganon at Frances Molina kaya’t dalawang beses lamang natalo ang koponan sa 11 larong hinarap.
“Lahat nagtulung-tulong sa panalong ito,” ani Pascua. Ang titulo ay may kaakibat na tiket para makalaro ang Petron sa FIBV Women’s Club Championship sa Vietnam sa Abril.
“Sana available ang dalawang imports. Pero magdadagdag tayo ng manlalaro mula sa ibang teams sa setter at middle spiker,” ani Pascua na tinuran sina setter Rhea Dimaculangan at attacker Aby Maraño bilang mga posibleng hugutin para sa Vietnam.
Pahinga muna ang liga at sa Marso na magsisimula ang bagong season at ang Cuneta Astrodome pa rin ang magiging tahanan ng PSL.
- Latest