Capadocia sasagupa kay Tanpoco sa Finals
MANILA, Philippines – Itinakda nina defending champion Marian Jade Capadocia at fourth seed Maika Tanpoco ang kanilang Finals duel sa ladies’ singles ng 33rd Philippine Columbian Association (PCA) Open na inihahandog ng Cebuana Lhuillier at Metro Global Holdings sa PCA indoor courts sa Paco, Manila.
Tinalo ng three-time champion na si Capadocia si sixth seed Marinel Rudas, 7-5, 6-4 para sa inaasam niyang pang-apat na PCA Open crown.
“Binago ko ‘yung style sa latter part ng first set, ibinabalik ko lang bola niya, mas naging patient ako,” wika ng 19-anyos na si Capadocia.
Dinomina naman ng 19-anyos na si Tanpoco si No. 5 Hannah Espinosa, 6-1, 6-0 sa isa pang semifinals match sa torneong suportado ng Dunlop, Fujidenzo/Whirlpool, Babolat, Hon. Emmanuel “Manny” Pacquiao, Head, Accel, Malate Bayview Mansion, Coca-Cola Bottlers Phils. Inc., Philippine Prudential Life Insurance Company Inc. at Seno Hardware.
Pag-aagawan nina Capadocia at Tanpoco ang titulo ngayong alas-11 ng umaga.
Nauna nang tinalo ni Capadocia si Tanpoco, 6-2, 6-0 sa quarterfinals ng Lucena Open noong Mayo.
Samantala, maghaharap sa men’s singles finals sina eight-time champion Johnny Arcilla at top seed Patrick John Tierro sa ala-una ng hapon sa event na suportado rin ng United Auctioneers Inc. Foton, Philippine Sports Commission, TLH Sports & Wellness Center/Solinco, Avida Land Corporation, Stronghold Insurance, Ryobi MHI, GMA 7 at TV 5.
- Latest