Pinataob ang Bread Story-LPU Hapee nagsolo
CEBU, Philippines – Pinahintulutan lamang ng depensa ng Hapee Fresh Fighters ang Bread Story-LPU sa masamang shooting sa first half tungo sa 67-52 panalo at solohin ang liderato sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Si Bobby Ray Parks Jr. ay may 12 puntos sa first half upang umarangkada agad ang Fresh Fighters sa 22-12 at 37-16 para sa ikaapat na sunod na panalo.
“Ang game plan ay magkaroon ng magandang start at nagawa naman ito ng players,” wika ni Hapee coach Ronnie Magsanoc.
May 7-of-31 shooting sa unang 20 minuto ang Pirates na natalo sa ikatlong pagkakataon matapos ang apat na laro.
Si Kirk Long ay may 11 puntos habang sina Baser Amer, Garbo Lanete, Earl Scottie Thompson, Arthur dela Cruz at Ola Adeogun ay nagsanib sa 32 puntos.
May 14 puntos si Angelo Gabayni para sa natalong koponan.
Magandang pagpasok sa koponan ang naibigay ni coach Caloy Garcia nang manalo ang Racal Motors sa MP Hotel Warriors, 74-65, sa isa pang laro.
Sina John Ambulodto at Jon Ortuoste ay may tig-anim na puntos sa ikatlong yugto para tulungang ilayo ang koponan sa 60-45.
Tig-siyam na puntos ang ginawa nina Jeff Viernes at Jam Jamito para sa Alibaba na nanalo sa unang pagkakataon matapos ang tatlong sunod na kabiguan.
“Nag-aadjust pa kami sa isa’t-isa. Hopefully, sa next game ay mas alam na nila ang sistema na ginagamit ko,” wika ni Garcia, ang dating coach ng Hog’s Breath Café na pumasok sa semifinals sa Foundation Cup.
Natalo ang Warriors sa ikatlong pagkakatalo.
- Latest