Hari ang Volley Masters
Inangkin ang unang men’s crown ng Shakey’s V-League
MANILA, Philippines – Sinandalan ng Instituto Estetico Manila Volley Masters ang galing sa blocking sa fifth set para makumpleto ang 25-21, 24-26, 25-22, 14-25, 15-12 panalo sa Systema Active Smashers at kilalanin bilang kauna-unahang men’s champion sa Shakey’s V-League Season 11 kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sina Ian Dela Calzada at Jason Canlas ang nagdala sa matibay na depensa, habang nakatulong din ang matinding atake nina Jeff Jimenez, Rudy Gatdula, at Salvador Timbal para wakasan ang best-of-three championship series sa 2-1 sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s bukod sa ayuda ng Accel at Mikasa sa 2-1 iskor.
“Sobrang saya dahil ito ang unang men’s division at kami ang nag-champion,” wika ni Jimenez na tumapos taglay ang 16 puntos at 15 rito ay sa atake.
Hinirang si Jimenez bilang Finals MVP matapos ipagkaloob sa kanya ang Conference MVP.
Inakalang tangan na ng Systema ang momentum matapos dominahin ang ikaapat na set pero lumabas ang determinasyon ng IEM nang hawakan agad ang 3-1 kalamangan.
Lumobo ito sa 11-6 mula sa setting error ng Active Smashers pero hindi agad sumuko ang koponan.
Sa pangunguna ni Sylvester Hondrade ay napababa ang kalamangan sa 12-10 pero sinuwerte si Dela Calzada na tumalbog sa net ang kanyang hataw para lumayo sa depensa ng kalaban bago nagpakawala ng matinding kill si Canlas para sa 14-11 iskor.
Nabawi ng Systema ang isang puntos bago humataw pa si Gatdula tungo sa malaking selebrasyon ng mga tagahanga ng IEM.
May 14 puntos si Dela Calzada, mula sa 11 kills at tatlong blocks, habang si Gatdula ay naghatid ng 10 puntos.
Si Rennz Ordoñez ay may 44 excellent sets at si Carlo Almario ay may 16 digs para sa nanalong koponan.
Ang Tamaraws ng Far Eastern University naman ang kumuha sa ikatlong puwesto nang igupo ang RTU Blue Thunders, 25-22, 20-25, 16-25, 28-26, 15-13.
- Latest