Arcilla, Tierro sa 2nd round ng PCA Open
MANILA, Philippines – Kagaya ng dapat asahan, dinomina ni defending champion Johnny Arcilla si Kyle Joseph, 6-1, 6-0, sa first round ng men’s singles ng 33rd Philippine Columbian Association (PCA) Open na inihandog ng Cebuana Lhuillier at Metro Global Holdings kahapon sa PCA indoor shell clay court sa Paco, Manila.
“One game at a rime lang muna tayo,” sabi ng 34-anyos na si Arcilla, sunod na makakasagupa sa second round ay ang magwawagi sa pagitan nina Kyle Parpan at Alberto Villamor sa torneong may kabuuang P600,000 premyo tampok ang P100,000 sa men’s singles champion.
Hangad ni Arcilla ang kanyang ika-siyam na titulo sa PCA Open.
Ang panalo ni Arcilla ay dinuplika ni top pick Patrick John Tierro matapos talunin si boys’ 18-under champion Joshua Cano, 6-2, 6-4, sa event na suportado ng Dunlop, Fujidenzo/Whirlpool, Babolat, Hon. Emmanuel “Manny” Pacquiao, Head, Accel, Malate Bayview Mansion, Coca-Cola Bottlers Phils. Inc., Philippine Prudential Life Insurance Company Inc. at Seno Hardware.
Makakatapat ni Tierro ang mananaig kina Abdulqouhar Allian at Marcen Gonzales.
Pasok din sa second round si qualifier Angelo Esguerra nang pabagsakin si No. 13 Calvin Canlas, 6-3, 6-2, para makatagpo si Bernardine Siso, nagtala ng 7-6 (4), 6-3 panalo kay Jarryd Manduriao.
Ang iba pang nakapasok sa second round ay sina third seed Marc Anthony Reyes, No. 9 Ronard Joven, Arcie Mano, Arc Dolorito, Rollie Anasta at Expedito Lim Jr. sa event na suportado rin ng United Auctioneers Inc. Foton, Philippine Sports Commission, TLH Sports & Wellness Center/Solinco, Avida Land Corporation, Stronghold Insurance, Ryobi MHI, GMA 7 at TV 5.
Tinalo ni Reyes si John Jeric Accion, 6-0, 6-2; dinaig ni Joven si Jose Nicholas Cano, 6-1, 6-0; nanalo si Mano kay John Altiche, 6-4, 6-7, 6-4; binigo ni Dolorito si Chris Justine Prulla, 4-6, 6-0, 6-1; tinakasan ni Anasta si John Angelo Cerezo, 3-6, 6-2, 6-0; at pinayukod ni Lim si Iñigo Caguiron, 6-4, 7-5.
- Latest