Lady Rising Suns magpapalakas para sa ika-3 titulo
MANILA, Philippines - Palalakasin pa ng Cagayan Valley Lady Rising Suns ang kanilang puwersa para mapalawig ang pagpapanalo sa Shakey’s V-League.
Nasungkit ng koponan ang Third Conference title nang walisin ang Army Lady Troopers sa best-of-three series.
Malaki ang papel na ginawa ng dalawang Thai imports na sina Hyapha Amporn at Patcharee Saengmuang pero lumabas din ang galing ng mga locals sa pangunguna ni Aiza Maizo-Pontillas na hinirang na MVP sa Conference at Finals.
Si Maizo-Pontillas lamang ang natatanging manlalaro na kinilala bilang MVP sa Conference at Finals at ito ay ginawa ng dating UST player sa ikalawang pagkakataon. Ang una ay nangyari sa second conference ng ikaanim na season ng ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at may ayuda pa ng Accel at Mikasa.
“Malaki ang naitulong ng mga Thai players namin.Pero hindi kami mananalo kung hindi rin naglaro ng maganda ang mga locals,” wika ni winning coach Nestor Pamilar.
Matapos ipagdiwang ang tagumpay ay magpaplano na ang koponan sa kung paano palalakasin ito.
Ang karanasang nakuha sa huling tagumpay ay makakatulong pero isa pang bagay na dapat gawin ay ang sumipat ng mga manlalarong puwedeng hugutin para isama sa datihan at mas tumibay ang puwersa sa susunod na conference.
Bukod kay Maizo-Pontillas ay maganda rin ang ipinakita ng setter na si Chie Saet at Angeli Tabaquero.
Samantala, magbabalik ang aksyon ng liga sa Linggo sa huling pagtutuos sa men’s division.
Ang Systema Active Smashers at Instituto Estetico Manila Volley Masters ang magkikita sa huling pagkakataon para sa kampeonato sa kalalakihan at magsisimula ito matapos ang pagtutuos ng FEU Tamaraws at RTU Blue Thunders para sa ikatlong puwesto.
- Latest


















