SBP maghahanap din ng bubuo sa National Pool: Chot sinibak sa Gilas
MANILA, Philippines - Nang ipinanukala ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan ang pagbubuo ng isang screening-selection committee, ito ay nangangahulugan ng pagsibak kay head coach Chot Reyes at paggiba sa Gilas Pilipinas.
Gusto ni Pangilinan na magkaroon ng “participative and consultative approach” para sa paraan ng pagpili ng bagong head coach at mga miyembro ng national team na isasabak sa siyam na international tournaments sa 2015.
Ang sinasabing pagtiklop ng Gilas PIlipinas sa nakarang 17th Asian Games sa Incheon, Korea ang dahilan ng paghuhulog ni Pangilinan kay Reyes pati na ang pagbasura sa koponan.
Matapos magpakita ng maganda sa FIBA World Cup sa Spain ay malamya naman ang inilaro ng Nationals sa Incheon Asiad.
Inulan din ng batikos si Reyes dahil sa paninisi nito kay 6-foot-11 naturalized center Marcus Douthit matapos matalo sa Qatar.
Si Reyes ang responsable sa paglalaro ng bansa sa FIBA World Cup matapos ang 36 taon.
Ito ay makaraang igiya ang Gilas Pilipinas sa silver medal finish sa 2013 FIBA-Asia Championship na idinaos sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Winakasan ng Nationals ang 40 taon na pagkauhaw sa panalo sa world meet matapos talunin ang Senegal sa kanilang huling laro.
Para sa paghahanap ng bagong head coach ng Gilas Pilipinas ay gagawa ang komite ng “short list” ng mga kandidato na isusumite sa SBP Executive Committee na binubuo ng SBP chairman, president, vice chairman, vice president at executive director.
Ilan sa mga torneong nakalinya sa 2015 ay ang 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo at ang 28th FIBA Asia Championship sa China sa Agosto na magsisilbing regional qualifier ng Rio de Janeiro Olympics sa 2016.
Ilalahok ng SBP sa 2015 Singapore SEA Games ang mga players mula sa amateur at college leagues, habang hihiram naman sila ng mga PBA cagers para palakasin ang mabubuong koponan na sasabak sa 2015 FIBA-Asia Championship sa China.
- Latest