MVP sa Bedans: ‘Isunod ang 6-peat’
MANILA, Philippines - Matapos hablutin ang ikalimang sunod na titulo ng San Beda Red Lions sa NCAA ay malinaw agad na ipinarating ng number one supporter ng koponan, businessman/sportsman na si Manny V. Pangilinan, ang kanyang nais na makita sa susunod na taon.
“Well done, San Beda. Good job. On to our 6th peat,” post agad ng Samahang Basketbol ng Pilipinas president sa kanyang twitter ilang minuto matapos na personal na saksihan ang dominanteng paglalaro ng Lions sa 89-70 panalo sa Arellano Chiefs.
May mga pagbabago na mangyayari sa San Beda dahil mawawala na si back-to-back champion coach Boyet Fernandez na aakyat ng PBA para hawakan ang NLEX Road Warriors. Hindi na rin makakasama ng koponan ang mga mahuhusay na starters na sina Anthony Semerad at Kyle Pascual habang nag-alanganin pa ang ace point guard na si Baser Amer.
Pero anuman ang kalabasan, nakikita ni Fernandez na kaya pa ring palawigin ang dominasyon ng koponan sa liga upang mahigitan ang 5-peat titles na pinagsasaluhan ngayon ng San Beda at San Sebastian Stags (1993-1997).
Ang mga maiiwan ay mga beterano rin at may championship experience at ang patuloy na suporta ni MVP ang siyang magtitiyak na palaban pa rin ang Lions.
“They will enjoy this and hopefully look forward to the six-peat,” wika ni Fernandez.
Handa rin siyang magbigay ng suporta sa kahit paanong pamamaraan kahit magiging abala siya sa PBA.
“My future will depend of my boss MVP. I’ll be staying around and whatever my future will be, I’ll just follow boss MVP,” dagdag pa ni Fernandez.
- Latest