Sa FIBA 3x3 World Tour Finals: Altamirano tiwala sa Manila West Cagers
MANILA, Philippines – Magkakaroon ng pagkakataon ang mga PBA players na sina KG Canaleta, Rey Guevarra, Aldrech Ramos at Terrence Romeo na patunayan na puwede rin ang Pilipinas na maging kampeon sa 3x3 sa paglahok sa FIBA 3x3 World Tour Finals ngayong Sabado at Linggo sa Sendai, Japan.
Ang Pilipinas ay isa sa 12 koponan na nag-qualify sa anim na qualifying tournaments na ginawa sa kaagahan ng taon.
Sina Canaleta ng Talk N’ Text, Guevarra ng Meralco, Ramos ng NLEX at Romeo ng Globaport ang bumuo sa Manila West na nanguna sa Manila Masters leg noong Agosto matapos talunin ang nagdedepensang kampeong Qatar sa Fashion Hall sa SM Megamall.
Nasa Pool B ang Pilipinas kasama ang Sao Paolo ng Brazil at Bucharest ng Romania at kailangan tumapos ang lahok ng bansa sa unang dalawang puwesto para umusad sa knockout quarterfinals.
Ang iba pang kasali ay ang Denver (USA), Santos (Brazil) at Novi Sad (Serbia) sa Pool A, Kranj (Slovenia), Jakarta (Indonesia) at Wukesong (China) sa Pool C at Saskatoon (Canada), Trbovlje (Slovenia) at Kobe (Japan) sa Pool D.
Sina coach Eric Altamirano ng National University Bulldogs at John Flores ng La Salle Greenhills ang siyang tatayong mentors ng koponan.
Noong Martes ay nakita ni Altamirano ang apat na players at wala siyang nakikitang problema sa kondisyon ng pangangatawan ng mga manlalaro lalo pa’t aktibo sila sa pagsasanay sa kani-kanilang koponan bilang paghahanda sa 40th PBA season. (AT)
- Latest