Bulldogs humirit sa Tamaraws ng do-or-die, inagaw ang Game 2
MANILA, Philippines – Gamit ang kanilang matibay na depensa, hindi pinayagan ng Bulldogs na mailaglag ng Tamaraws ang kanilang mga kulay dilaw na lobo sa sahig ng Big Dome na dinumog ng 24,896 basketball fans.
Niresbakan ng National University ang Far Eastern University sa Game Two matapos tangayin ang 62-47 panalo at itabla sa 1-1 ang kanilang title series para sa 77th UAAP men’s basketball championship kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Bumangon ang NU mula sa 70-75 kabiguan sa FEU sa Game One para puwersahin ang kanilang best-of-three titular showdown sa ‘winner-take-all’ match sa Game Three sa Oktubre 15 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“Iyon lang naman ang kaya naming gawin,” sabi ni head coach Eric Altamirano sa depensang ibinigay ng kanyang Bulldogs sa Tamaraws ni mentor Nash Racela.
“We really focused on going back to our fundamentals, going back to our defensive game,” dagdag ng bench tactician.
Itinala ng NU ang 16-point lead, 22-6, mula sa basket ni Jeth Troy Rosario sa 7:06 minuto ng second period bago ito napaliit ng FEU, hangad ang kanilang pang-20 UAAP crown, sa 40-46 sa 5:01 minuto ng fourth quarter.
Huling nakadikit ang Tamaraws sa 44-50 buhat sa basket ni Mike Tolomia sa 2:45 minuto ng laro kasunod ang dalawang magkasunod na three-point shot ni guard Angelo Alolino para muling ilayo ang Bulldogs sa 56-44 sa 1:21 minuto.
Matapos ang tres ni Tolomia para sa 47-56 agwat ng FEU ay nagsalpak sina Alolino, Cameroonian import Alfred Aroga at Glenn Khobuntin ng anim na free throws para selyuhan ang panalo ng NU.
Tumapos si Rosario na may 19 points at 13 rebounds para sa Bulldogs, hangad ang kanilang unang UAAP title matapos ang 60 taon.
NU 62 - Rosario 19, Khobuntin 17, Alolino 12, Aroga 7, Diputado 2, Alejandro 2, Neypes 2, Javelona 1, Betayene 0, Perez 0.
FEU 47 - Belo 17, Tolomia 15, Inigo 7, Pogoy 4, Jose 2, Cruz 2, Hargrove 0, Dennison 0, Tamsi 0, Ru. Escoto 0, Denila 0, Lee Yu 0, Ugsang 0, Ri. Escoto 0, David 0.
Quarterscores: 18-6; 26-18; 43-30; 62-47.
- Latest