Gilas Pilipinas lalaban para sa pang-pitong puwesto
INCHEON, Korea – Isasantabi ng Gilas Pilipinas ang anumang sakit ng katawan at iba pang nararamdaman para maisalba ang kanilang puri sa pagtatapos ng men’s basketball competition sa Asian Games ngayon sa Hwaseong Sports Complex dito.
Sa ganap na alas-2:15 ng hapon (Manila time) magsisimula ang bakbakan at habol ng koponan ang makuha ang ika-pitong puwesto sa kompetisyon.
Nalagay ang Pilipinas sa pinakamasamang pagtatapos sa kasaysayan ng pagsali sa Asian Games basketball nang lasapin ang 78-71 pagkatalo sa napatalsik na kampeong China kamakalawa.
Ang dating pinakamasamang pagtatapos ng koponan ay ikaanim na puwesto na dalawang beses nangyari noong 1966 sa Bangkok, Thailand at noong 2010 sa Guangzhou, China.
Si naturalized center Marcus Douthit ay muling makakatuwang nina Ranidel De Ocampo, LA Tenorio, Jeff Chan at Gabe Norwood para lisanin ang kompetisyon bitbit ang panalo.
- Latest