Sa kabila ng pang-aasar sa kanya ng American sa Twitter at Instagram Manny kinaawaan si Floyd
MANILA, Philippines - Sa pinakahuling pang-aasar sa kanya ni Floyd Mayweather, Jr. ay ipinoste nito sa kanyang Twitter at Instagram account ang litrato ng pagbagsak ni Manny Pacquiao mula sa suntok ni Juan Manuel Marquez sa kanilang ikaapat na paghaharap noong 2012.
Binanggit din ng 37-anyos na si Mayweather ang problema ng 35-anyos na si Pacquiao sa isyu sa buwis at ang bumabagsak nitong Pay-Per-View numbers.
Ngunit walang galit na nakita kay Pacquiao ukol sa naturang paninira sa kanya ni Mayweather.
“Alam mo, hindi naman ako nagagalit sa kanya,” sabi ni Pacquiao kay Mayweather sa panayam ng GMA News mula sa General Santos City. “Naawa pa ako sa kanya, because he acts like an uneducated person.”
“Pangit, pero naawa ako and I’m praying for him. Kailangan din na ituro sa kanya na may Panginoon,” dagdag pa ng Filipino world eight-division champion.
Kamakailan ay sinabi ni Pacquiao (56-5-2, 38 KOs) na walang balak si Mayweather (47-0-0, 26 KOs) na labanan siya dahil pinoprotektahan nito ang malinis na ring record.
Ang lahat ng naunang pahayag ni Mayweather na payag na itong labanan si Pacquiao ay para lamang patuloy siyang pag-usapan.
Idineklara kamakailan ng World Boxing Council (WBC) ang pagsuporta para sa pagtatakda ng mega fight nina Pacquiao at Mayweather sa susunod na taon.
Sinabi ng Sarangani Congressman na tanging ang Panginoong Jesus lamang ang nakakaalam kung matutuloy ang kanilang banggaan ni Mayweather.
“Depende, depende. If it’s in God’s will, matutuloy ‘yan,” sabi ni Pacquiao.
Sinabi naman ng uncle/trainer ni Mayweather na isa lamang kina Pacquiao at dating world light welterweight king Amir Khan ang natitirang laban para sa American world five-division titlist.
“To be honest, I can’t really say who it is because I’m not one hundred percent sure. If they do it by names — which Floyd normally does — it may actually help the pay–per-view revenue, it’s gonna possibly be Khan or maybe Pacquiao next for Floyd, because there’s no other options out there in the weight class that make any sense,” ani Jeff Mayweather.
Itataya ni Pacquiao ang kanyang hawak na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown kontra kay American challenger Chris Algeiri (20-0-0, 8 KOs) sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
- Latest