Orcollo at Corteza puntirya ang semis berth sa World Cup
MANILA, Philippines - Kailangang ilabas na nina Dennis Orcollo at Lee Vann Corteza ng Pilipinas ang kanilang pamatay na laro sa 2014 World Cup of Pool sa Mountbatten Centre sa Portsmouth, Great Britain.
Matapos ang magkasunod na 7-5 panalo sa Chile at France ay sunod na makakalaro nina Orcollo at Corteza sina Mika Immonen at Petri Makkonen ng Finland para sa puwesto sa semifinal round.
Sina Immonen at Makkonen, magbabalak na kunin ang ikalawang titulo matapos dominahin ang 2012 edisyon sa Finland, ay nakitaan ng ibayong husay matapos pabagsakin sina Karol Skowerski at Mateusz Sniegock ng Poland, 7-0, sa round-of-16.
Ito ang ikalawang shutout win sa race-to-seven ng Finland matapos paluhurin ang Korea sa unang round sa 32-koponang kompetisyon.
“We haven’t been tested yet,” wika ni Immonen. “Philippines are capable of switching gears at any time and we will have to match that level.”
Ang mananalo sa larong ito ay papasok sa semifinals kalaban ang mananaig sa pagitan nina Darren Appleton at Kayle Boyes ng England A at Earl Strickland at Shane Van Boening ng USA.
Sina Appleton at Boyes na lamang ang panlaban ng host country dahil nasibak ang England B nina Daryl Peach at Chris Melling sa tambalan nina Wang Can at Dang Jinhu, 7-0, ng China. (ATan)
- Latest