Blue Eagles asam ang tiket sa UAAP Finals
MANILA, Philippines - Isang panalo lamang ang kailangan ng Blue Eagles para makapasok sa UAAP Finals.
Bitbit ang ’twice-to-beat’ advantage bilang No. 1 team sa Final Four, sasagupain ng ‘five-peat’ champions na Ateneo De Manila University ang No. 4 National University ngayong alas-4 ng hapon sa semifinal round ng 77th UAP men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Sa nakaraang apat na beses nilang paghaharap sa dalawang season ay hindi pa tinatalo ng Blue Eagles ang Bulldogs.
Tinalo ng NU ang Ateneo sa Season 76 mula sa kanilang 64-54 at 70-65 pananaig at itinala ang 64-60 at 76-66 tagumpay sa Season 75.
Ngunit sinabi ni head coach Eric Altamirano na hindi dapat magkumpiyansa ang kanyang mga Bulldogs bagama’t apat na beses nilang iginupo ang Blue Eagles ni mentor Bo Perasol.
Sina import Alfred Aroga, Troy Rosario, Gelo Alolino, Pao Javelona at Glenn Khobuntin ang muling babandera para sa NU.
Muli namang aasahan ng Ateneo sina 2014 UAAP Most Valuable Player Kiefer Ravena bukod pa kina Nico Elorde, Chris Newsome, Von Pessumal at Alfonzo Gotladera.
Nakatakda namang labanan ng No. 2 Far Eastern University ang No. 3 at nagdedepensang De La Salle University sa kanilang Final Four match sa Sabado.
Hawak ng Tamaraws ang ‘twice-to-beat’ advantage laban sa Green Archers.
- Latest