2 bronze medals tiyak na sa wushu
INCHEON, South Korea – Makakasiguro na ang Pilipinas ng dalawang medalyang tanso matapos pumasok sina Francisco Solis at Jean Claude Saclag sa semifinals sa Asian Games nang magwagi sa sanda competition ng wushu kagabi sa Ganghwa Dolmen’s gymnasium.
Ang 24-anyos na si Solis, beterano ng dalawang World Wushu Championships sa Turkey noong 2011 at Kuala Lumpur, Malaysia noong 2013, ay sumandal sa kanyang bilis at lakas para sa 2-0 panalo sa 36-anyos na si Ting Hong Wong ng Hong Kong sa men’s 56kg. division.
Nagawa pang itapon sa labas ng mat sa ikalawang round ni Solis si Hong na beterano ng tatlong Asian Games mula 2006 sa Doha at nanalo ng bronze sa 2007 World Championships sa Beijing China.
Bitbit ang inspirasyon sa ipinakita ng kakampi, tinalo ni Saclag si Hendrik Tarigan ng Indonesia para pumasok din sa semis sa 60kg. class.
Magkakaroon pa ng pagkakataon ang dalawang atleta ng wushu na higitan ang tiyak na bronze medal kung mananalo sa semifinals ngayon.
Katipan ni Solis si Fuxiang Zhao ng China, habang si Saclag ay makakatuos si Narender Grewal ng India.
Ang kambal na panalo ang pambawi sa pagkatalo ni Wally Divine sa pambato ng host na si Kim Hyebin, 0-2, sa women’s 52kg.
Puwede pang madagdagan ang medalya ng 150-pambansang aleta dahil sina Nestor Cordova at Edgar Ilas ay nanguna sa repechage sa lightweight men’s double sculls.
Sumagwan sina Cordova at Ilas ng 6:40.95 sa 2,000m race para pumasok sa anim na bansang finals.
Sisimulan naman ng Gilas Pilipinas ang kanilang kampanya para sa inaasam na gintong medalya sa pagharap sa India ngayong araw sa Hwaseing Sports Complex Gymnasium.
Ang Pilipinas ay nasa Group E at kaagad masusukat sa matatangkad na manlalaro ng India na kinuha ang 80-61 panalo kontra sa Kazakhstan at pamunuan ang Group B sa pagtatapos ng preliminary round kahapon.
“First, we want to scout our rivals and practice. That’s our main concern right now,” pahayag ni Gilas Pilipinas’ head coach Chot Reyes.
Samantala, bumandera ang China sa nakolektang 22 gold, 13 silver at 18 bronze medals kasunod ang Korea (14-13-15).
- Latest