Blatche walang nakuhang NBA offer; maglalaro na lang sa Chinese League
MANILA, Philippines – Walang dudang naging malaking bagay ang impresibong ipinakita ni naturalized player Andray Blatche sa nakaraang 2014 FIBA World Cup sa Spain.
Isa sa mga nakaakit ng atensyon ng 6-foot-11 na si Blatche ay ang Chinese Basketball Association.
Ayon sa mga online reports, pumirma ang dating Brooklyn Nets player ng isang one-year contract sa CBA team na Xinjiang Guanghui Flying Tigers na nagkakahalaga ng $2.5 milyon.
Binanderahan ni Blatche ang lahat ng players sa 2014 FIBA World Cup sa efficiency rating mula sa kanyang mga averages na 21.2 points at 13.8 rebounds.
Hindi siya naisama sa Gilas Pilipinas para sa 17th Asian Games matapos ideklarang ineligible ng games organizer dahil hindi nakapasa sa three-year residency rule.
Wala rin siya sa NBA subalit inaasahang makikita sa playoffs sa pagtatapos ng CBA season sa Marso.
Sa nakaraang season ay nagposte si Blatche ng mga averages na 11.2 points at 5.3 rebounds sa 73 games para sa Brooklyn.
Makakatambal ni Blatche ang isa pang dating NBA player na si Jordan Crawford para sa Flying Tigers na hangad muling makapasok sa Finals ng CBA matapos mabigo sa Beijing Ducks sa nakaraang season.
Huling naglaro si Crawford, ang 2010 NBA draft No. 27 pick, sa NBA para sa Golden State Warriors matapos kumampanya sa Atlanta Hawks, Washington Wizards at Boston Celtics.
- Latest