UST, UP nagkampeon sa 77th UAAP taekwondo event
MANILA, Philippines - Kinumpleto ng University of Santo Tomas ang isang perpektong season matapos angkinin ang men’s crown, habang tinapos ng University of the Philippines ang kanilang 12-taong pagkauhaw sa titulo ng women’s division sa UAAP Season 77 taekwondo tournament noong Martes ng gabi sa The Arena sa San Juan.
Tinalo ng Growling Tigers ang Fighting Maroons, 4-3, para sa six-fight sweep patungo sa pagkopo sa kanilang pang-12 title overall.
“Sobrang saya since last playing year ko na. Kasi pinaghirapan din talaga namin, bawat isa nagsumikap talaga para maibalik sa amin ang championship,” sabi ni Paul Romero, ang hinirang na men’s Most Valuable Player.
Sa pangunguna naman ni season MVP Charizza Camille Alombro, pinayukod ng UP ang De La Salle, 5-2, para sa kanilang ikalawang korona.
Tinapos ng Lady Maroons, huling nagkampeon noong 2002 sa likod ni Sugar Catalan, ang season sa kanilang 5-1 slate kung saan ang nag-iisa nilang kabiguan ay mula sa mga kamay ng Tigresses, ang line-up ay kinabibilangan ng mga national team mainstays.
“Matagal na naming hinihintay na mag-champion ang women’s team. Nagtiwala kami na kahit anong nangyari, kaya naming mag-champion at naging united kami,” wika ng 19-anyos na si Alombro.
Ang Rookie of the Year honors ay ibinigay kay Aries Capispisan ng UST sa men’s division at kay Camille Bonje ng La Salle sa women’s side.
Ang mga gold medalists sa men’s division ay sina Ariel Bacud (fin) at Elijah Marcelino (feather) ng FEU, Rhayzor Catris (fly) at Gian Rubio (bantam) ng UST, Kiko Sembrano (light) ng La Salle, Arven Alcantara (welter) ng NU at Guillano de Dios (middle heavy) ng UP.
Kumuha naman ng ginto sa women’s class sina Ronnielette Balancio (fin) at Clouie Bolinas (welter) ng FEU, Korina Paladin (fly) at Jane Narra (middle heavy) ng UST, Stephanie Osio (bantam) ng UP, Shiryl Badol (feather) ng NU at Bonje (light) ng La Salle.
- Latest