UE puntirya ang playoff vs UST
MANILA, Philippines – Wala nang importansya para sa mga sibak nang Tigers, Fighting Maroons at Falcons ang kanilang huling laro sa elimination round ng 77th UAAP men’s basketball tournament.
Ngunit para sa Red Warriors, ang panalo nila ang mangangahulugan ng pagpitas sa playoff ticket para sa No. 4 berth sa Final Four.
Lalabanan ng University of the East ang University of Sto. Tomas ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang banggaan ng University of the Philippines at Adamson University sa alas-4 sa Smart Araneta Coliseum.
Inangkin ng Ateneo De Manila University ang No. 1 seat sa Final Four sa likod ng kanilang 11-3 record kasunod ang nagdedepensang De La Salle University (10-4), Far Eastern University (10-4), National University (9-5), UE (8-5), UST (5-8), UP (1-12) at Adamson (0-13).
Ang Blue Eagles at ang koponang kukuha sa No. 2 spot ang magkakaroon ng ‘twice-to-beat’ advantage kontra sa No. 4 at No. 3, ayon sa pagkakasunod, sa Final Four.
Paglalabanan ng Green Archers at Tamaraws ang No. 2 seat, habang makakamit naman ng Bulldogs ang No. 4 ticket kung matatalo ang Red Wariors sa Tigers.
Kung magwawagi ang UE ay magkakaroon sila ng playoff ng NU para sa ikaapat at huling silya sa Final Four kung saan makakatapat ng mananalo ang Ateneo.
Sumilip ng pag-asa sa playoff ang Red Warriors matapos gulatin ang Green Archers, 68-66, noong Setyembre 10 para sa kanilang ikaapat na sunod na panalo.
Nakalasap naman ang Tigers ng 64-75 pagyuko sa Bulldogs sa kanilang huling laro.
- Latest