Chiefs, Bombers patatagan sa No. 2
MANILA, Philippines - Ikaapat na sunod na panalo na magbibigay daan para masolo ang ikalawang puwesto sa 90th NCAA men’s basketball ang pagtatangkaan ng host Jose Rizal University Heavy Bombers ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Kalaban ng Heavy Bombers ang Arellano Chiefs sa tampok na sultada sa alas-4 ng hapon at hanap din ng una ang maulit ang 99-98 panalo sa triple overtime sa unang pagkikita noong Agosto 1.
Magkasalo ang Bombers at Chiefs sa pangalawang puwesto sa 9-4 karta kaya’t tiyak na hindi rin bibigay ang huli upang tumibay ang habol sa unang dalawang puwesto na magkakaroon ng mahalagang twice-to-beat advantage sa Final Four.
Malalagay naman sa must-win ang Lyceum Pirates sa pagbangga sa talsik ng Emilio Aguinaldo College Generals sa unang tipanan sa ganap na alas-2 ng hapon.
Sa 5-8 karta, ang Pirates ay dapat na maipanalo ang nalalabing limang laro para magkaroon pa ng laban para sa playoff sa huling upuan sa semifinals.
May apat na sunod na talo ang bataan ni coach Bonnie Tan upang masayang ang 5-4 panimula.
Umani ang Lyceum ng 73-67 panalo sa EAC sa unang pagkikita pero hindi puwedeng magkumpiyansa ang una dahil magpupursigi pa rin ang huli sa hanap na disenteng pagtatapos sa liga.
Pinabagsak ng Heavy Bombers ang EAC, Lyceum at Perpetual Help sa kanilang huling tatlong laro upang magkaroon pa ng momentum sa labang ito.
Ang bataan ni coach Jerry Codiñera ang number one offensive team sa liga kaya’t dapat na mapangatawanan ng JRU ang pagiging number two defensive team para makuha ang panalo.
Ang mabibigong koponan ay bababa sa pakikisosyo sa pahingang St. Benilde Blazers sa ikatlo at apat na puwesto sa 9-5 baraha.
- Latest