Arum itinanggi ang negosasyon sa Pacquiao-Mayweather fight
MANILA, Philippines - Inamin ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na wala pang nangyayaring pag-uusap sa pagitan nila at ng kampo ni Floyd Mayweather, Jr. para sa kanilang super fight ni Manny Pacquiao sa susunod na taon.
Ito ang reaksyon ni Arum sa pagpapabulaan kamakalawa ni Mayweather na may nagaganap na pag-uusap sa kani-kanilang mga grupo.
“I’ve said what I had to say which is probably too much, but I’m not saying anybody is a liar or anyone has made unreasonable demands,” sabi ni Arum sa panayam ng The Boxing Voice. “I’ve given you a capsule of where everything stands.”
Sa kanyang pagdating sa Las Vegas, Nevada para sa press conference ng kanilang rematch ni Marcos Maidana, sinabi ni Mayweather na ginagamit lamang ni Arum ang kanyang pangalan para mabili ang tiket ng laban nina Pacquiao at American challenger Chris Algieri.
“Not true. I can’t say what the future holds,” sabi ng 37-anyos na si Mayweather. “I think right now Arum and Pacquiao are trying to sell tickets for the other guy, Algieri.”
Ang tanging pinagbabasehan ni Arum ay ang sinasabing pag-uusap ng mga networks na CBS at HBO na payag magtuwang para maitakda ang Pacquiao-Mayweather super showdown sa 2015.
Nakatakdang itaya ni Pacquiao ang kanyang WBO welterweight crown laban kay Algieri sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
Muli namang lalabanan ni Mayweather si Maidana sa Linggo sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Tatlong beses bumagsak ang usapan para sa nasabing mega showdown nina Pacquiao (56-5-2, 38 KOs) at Mayweather (46-0-0, 26 KOs) mula sa isyu ng hatian sa prize money hanggang sa pagsailalim sa Olympic-style random drug at blood testing.
- Latest