MVP umapela sa OCA
MANILA, Philippines – Dumulog ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa pangulo ng Olympic Council of Asia (OCA) na si Sheik Ahmad Al-Fahad Al-Sabah para sa huling pag-apela na mapahintulutan si naturalized NBA player Andray Blatche na makalaro sa bansa sa Asian Games sa Incheon, Korea na magsisimula na sa Setyembre 19.
Sa liham ni SBP president Manny V. Pangilinan kay Sheik, tinuran ng businessman/sportsman na ang problema sa eligibility ni Blatche sa Asian Games ay bunga ng “misunderstanding”.
Pinunto ni Pangilinan na nauna nang binigyan ng go-signal ng international basketball federation (FIBA) ang 6’11 center na maglaro sa Pilipinas matapos pangunahan ang Pambansang koponan sa FIBA World Cup.
Sumulat pa si FIBA secretary-general Patrick Baumann upang ipaliwanag sa OCA na dapat paglaruin si Blatche dahil ang usaping eligibility sa mga larong pinatatakbo o may basbas ng international body ay sakop ng FIBA.
Pero hindi positibo ang tugon ng OCA at sa liham na ipinadala sa SBP noong Lunes galing kay Haider Farman, kanilang ipinagdiinan na hindi kuwalipikadong maglaro si Blatche dahil hindi nakumpleto ang 3-year residency na nakasaad sa kanilang Konstitusyon.
“We earnestly seek the help and support and understanding of your good selves and allow Mr. Blatche --and our National Team-- to join the brotherhood of basketball in the Asian Games. We have exerted our best efforts to persuade OCA about this “misunderstanding” of the eligibility rules for more than two months,” liham ni Pangilinan.
Suportado rin ni Pangilinan ang layunin ng OCA sa pagkakaroon ng sariling eligibility rules upang matiyak na magiging balanse ang labanan. Pero naniniwala rin siya na sa ganitong kaso ng “misunderstanding” sa isang regional competitions, dapat na manaig ang batas ng international body (FIBA) dahil masasaktan naman ang kampanya ng bansang naipit sa dalawang magkaibang batas.
- Latest