Pason, Mantilla umangat sa Shell Davao chessfest
MANILA, Philippines – Tinalo ni second-seed Allan Pason si top ranked John Ray Batucan sa sixth round bago kumuha ng 2.5 puntos sa huling tatlong laro tungo sa pangunguna sa juniors division sa 22nd Shell National Youth Active Chess Championship-Southern Mindanao leg na natapos noong Linggo sa SM City sa Davao City.
Matapos talunin si Batucan sa labanan ng mga naunang walang talong manlalaro, tumabla si Pason kay Diego Claro bago pinataob sina Clark Anabieza at Raymund Vistal tungo sa pagiging kampeon sa 20-and-under bitbit ang 8.5 puntos.
Nakasama ng manlalaro mula University of Cebu ang seventh seed na si Gerard Acedo na umabante sa national finals nang kunin ang ikalawang puwesto sa walong puntos.
Nanalo si Earl Rhey Mantilla ng Davao Wisdom Academy sa kiddies division para makakuha rin ng puwesto sa national finals na itinakda mula Oktubre 11 at 12 sa SM Megamall.
Tumapos si Mantilla tangan ang siyam na puntos habang si Eric Yngayo Jr. ang pumangalawa sa 7.5 puntos para makakuha rin ng slot sa huling yugto ng kompetisyon na inorganisa ng Pilipinas Shell.
Si Mary Jonah Lequin ang siyang lumabas bilang pinakamahusay na manlalaro sa kababaihan sa kinubrang pitong puntos.
- Latest


















