Azkals, Myanmar magsisipaan para sa Phl Peace Cup crown
MANILA, Philippines – Taong 2004 pa noong huling natalo ang Pilipinas sa Myanmar sa larong football.
Sa linyang ito, asahan na hahataw uli ang Azkals sa pagbangga sa bisitang bansa ngayong alas-7 ng gabi upang angkinin ang 2014 Philippine Peace Cup title na paglalabanan sa Rizal Memorial Football field.
Naitakda ang pagkikita ng dalawang South East Asian countries para sa kampeonato nang durugin ng Pilipinas ang Chinese Taipei, 5-1, habang ang Myanmar ay namayani sa Palestine, 4-1, noong Miyerkules ng gabi.
Sa Tiger Cup sa Malaysia nanaig ang Myanmar sa 1-0 iskor bago nakita ang paghusay ng laro ng Pilipinas para hindi na makaulit ang naturang koponan sa sumunod na limang pagtutuos.
Ang Pilipinas ay umani ng dalawang panalo at tatlong draw sa limang pagkikita at galing sila sa 2-0 panalo sa 2012 Suzuki Cup at 1-0 panalo sa isang international friendly noong 2013.
Aasahan ni German-American coach ng Pambansang koponan na si Thomas Dooley sa galing ng goal keeper na si Ronald Muller bukod sa tikas ng iba pang kasapi ng koponan tulad ng magkapatid na sina Phil at James Younghusband, Rob Gier at Mark Hartman.
Si Hartman ay umani ng dalawang goals sa laro laban sa Taiwanese team habang si Gier ay bumutas sa kanyang kauna-unahang international goal.
Ipantatapat ng Myanmar si Kyaw Zayar Win na gumawa ng dalawang goals sa panalo laban sa Palestine, ang AFC Challenge Cup champion nang talunin ang Azkals sa championship game.
Sakaling manaig ang Pilipinas, maduduplika ng koponan ang panalong nakuha sa 2013 at 2012 edisyon.
- Latest