Altas, Bombers patuloy na kakapit sa No. 3
MANILA, Philippines - Magtatangka pa ang Perpetual Help Altas at host Jose Rizal Heavy Bombers na dumikit sa mga nasa itaas sa pagpapatuloy ngayon ng 90th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Mabigat na hamon ang haharapin ng Altas dahil ang number two team na Arellano Chiefs ang kalaban nila sa unang bakbakan sa alas-2 ng hapon.
Magkasalo ang Altas at Heavy Bombers sa ikatlong puwesto sa 7-4 baraha.
May two-game winning streak ang koponan ni coach Aric del Rosario at kung mapadapa nila ang Chiefs ay mananatili sila sa pagtangan ng ikatlong puwesto.
Sina Juneric Baloria, Earl Scottie Thompson at Harold Arboleda ang mga magtutulong uli para maipaghiganti rin ang 85-97 pagkatalo sa Chiefs.
Tiyak na handa ang bataan ni coach Jerry Codiñera na harapin ang malakas na hamon ng Altas para madugtungan ang apat na sunod na panalo na nakatulong para lumawig ang kanilang pinakamagandang panimula na 9-2 karta.
Sina Jiovani Jalalon, John Pinto at Keith Agovida ang mga mangunguna sa Chiefs para saluhan uli ang pahingang four-time defending champion San Beda sa 10-2 baraha.
Katipan ng Heavy Bombers ang Lyceum Pirates sa alas-4 ng hapon.
Papasok ang bataan ni coach Vergel Meneses galing sa 73-54 pagdurog sa Emilio Aguinaldo College Generals.
Dapat na hindi mawala ang magandang ipinakita galing sa mga beteranong sina Philip Paniamogan at Michael Mabulac para maipaghiganti rin ang tinamong 80-84 overtime pagkatalo sa Pirates sa unang tipanan.
May 5-6 baraha ang Lyceum at mahalaga na makuha ang panalo para magkaroon pa ng tsansang makasilat para sa puwesto sa semis.
- Latest