Altas iiskor uli sa Pirates
Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
12:15 p.m. Perpetual Help vs Lyceum (Jrs/Srs)
MANILA, Philippines - Sasandalan ng Perpetual Help Altas ang panalong naitala nang unang magkita sa muling pagtutuos nila ng Lyceum Pirates sa 90th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ito ang unang laro ng Altas at Pirates sa second round elimination at magnanais na makakalas sa pagkakasama ng dalawang koponan sa 5-4 baraha.
Hiniritan ng tropa ni coach Aric del Rosario ang bataan ni coach Bonnie Tan ng 78-62 panalo na ginawa noong Hulyo 30.
Si Earl Scottie Thompson na siyang lider sa karera para sa Most Valuable Player matapos ang first round, ang siyang mamumuno sa pag-atake ngunit tiyak na hindi rin magpapabaya ang leading scorer ng liga na si Juneric Baloria at Harold Arboleda para makabawi rin ang Altas mula sa 73-77 pagkatalo sa St. Benilde noong Agosto 13.
Manggagaling ang Pirates mula sa mahigit kalahating buwang pamamahinga dahil huling laro nila ay nangyari noon pang Agosto 6 at tinalo nila ang San Sebastian Stags, 71-64.
Aasa ang mga panatiko ng Pirates na hindi nawala ang kondisyon ng mga kamador tulad nina Guy Mbida, Dexter Zamora, Wilson Baltazar at Joseph Gabayni para sa ikalawang dikit na panalo.
- Latest